HILIG NG MGA PILIPINO SA SINING, PAMATID NG PANGUNGULILA
By; Merito Santos (contributor)
Jamilah Dibaratun - 1st Riyadh Singing Pop Icon Grand Champion
Sadyang hindi mapapantayan ang galing nating mga Pilipino sa larangan ng sining. Bahagi na ng ating kultura ang mga gawaing nagbibigay saya’t sigla sa araw-araw. Kung minsan ito ay nagiging paraan para maibsan ang lungkot at pangungulila. Isang tipikal na bagay na mababaw, pero sa puso ng isang Pilipino, ito ay gamot sa isang karamdamang mahirap hanapan ng lunas, lalo na pag malayo sa mga minamahal.
Sa isang tipikal na tahanan ng isang Pilipinong pamilya, mapapansin mo na kahit salat sa mga pangunahing pangangailangan, kadalasan may makikita kang telebisyon, component, karaoke at mga nakasabit na posters sa dingding ng kanilang mga ini-idolong artista.
Halos hindi mo rin mabilang ang mga sinehan, karaoke bars at iba pang lugar aliwan na puntahan ng mga pamilya, estudyante, atbp. para maglibang kahit anong oras.
Ang mga bagay na ito ang bahagi na ng ating kultura at patuloy na nangyayari sa ating pang araw-araw na buhay kahit saan lupalop tayo mapadpad.
Mawalay man tayo sa ating mga mahal sa buhay at lumipat man tayo ng ibang lugar na may ibang kultura, gaya dito sa Gitnang Silangan, pilit nating hinahanap ang mga bagay na ito. Kaya’t pilit tayong gumagawa ng paraan para kahit paano maranasan natin ang pangkaraniwang buhay na dating nakasanayan na sa Pilipinas.
Ang Saudi Arabia ang lugar na kung saan karaniwan sa mga ating nakasanayang lifestyle sa Pilipinas ay ipinagbabawal dahil sa kanilang tradisyon at kultura. Kinakailangang irespeto ng bawat isa ang kaugalian ng mga taga rito.
Subalit sadyang pangkaraniwan na sa bawat Pilipino ang kahit paminsan-minsan ay makapanood ng mga palatuntunan na sumasariwa sa kanyang nakasanayang buhay sa bayang sinilangan at kahit sandali man lang ay maramdaman niya na para lang siyang nasa Pilipinas.
Tanging ang mga kabataang mag-aaral ang may maluwag na oras para sa ensayo, kaya’t karamihan sa kanila ay nabibigyan ng pagkakataong makasama sa mga programa. Ang mga kalahok na kababaihang OFWs ay kalimitang may kahirapan sa kanilang schedule at minsan, kailangan pang kumuha ng permit mula sa kanilang employer para makasali sa ensayo.
“Mahirap kaming payagang lumabas ng aming employer para sa mga ganitong okasyon. Kinakailangang humingi pa kami ng permit at may taning ang oras namin sa labas, kaya gustuhin man naming pumunta, wala rin kaming magagawa”, pahayag ng isang Pilipinang nurse sa isang hospital sa Riyadh.
Hadlang din ang lugar ng ensayo sa dahilang bawal ang mag sama ang lalaki’t babae sa iisang lugar. Ang Embahada lang ang tanging lugar na pinapayagang magsama ang bawat isa.
Suliranin din ang mga kakailanganing gamit gaya ng stage decorations, chairs, sound systems, etc dahil sa sobrang mahal ng mga ito. Halos maubos ang nakalap na pondo para sa ikagaganda ng show.
Isa ring problema ang maliit na espasyo ng Embahada ng Pilipinas para sa libo-libong Pilipinong gustong makapanood at ang mahigpit na pagpasok sa Diplomatic Quarters. Dahil nga sa higpit ng patakaran ng Saudi Arabia, walang ibang maaaring pagdausan ng palabas kung hindi ang Liwasang Bonifacio sa Embahada ng Pilipinas na puwede hanggang 1,000 tao lamang.
Ngunit kahit gaanong hirap at pagod ang puhunan, sabi nga nila “the show must go on” para sa ikaliligaya ng bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo.
0 comments:
Post a Comment